Pamamaril ng Bituin sa Gabi ng Biyernes
Jason T. Asuncion, CLSU, 1999
Habang ninanamnam
ang sagong nabili ko sa Old Market.
Naupo sa lumalagitnit na kawayang sofa.
Habang nagpapahingalay sa dilim ng gabi ng Biyernes.
Kasama ng iba pang alitaptap
at bighani sa aliw at kislap.
Nakatingala at naghahanap ng bituing pinapangarap.
Naghihintay sa pagbagsak ng tala
na susunog sa gatong ng pag-asa.
At hayun sa sulok ng langit ang aking bituin.
Naghihintay sa konstelasyon ng papawirin.
at yaring pabagsakin sa aking piling.
Ngayon na, panahon ko’y dumating na,
upang pangarap ko’y kamtin nasa.
Sadyang ‘di na makapaghihintay sa aking pananabik.
Pag-asa’y nasilayan, naroon at malapit.
Sabay higop sa aking hawak na sago
ng yaring bituin ko ay aking masumpit
at pabagsakin sa taas ng langit.
Tila man pangarap ko’y suntok sa buwan.
‘Di man tamaan basta aking makamtan.
Binuo na ang loob, pintuan ay bukas na.
Handa ng suungin ang bagong pag-asa.
Hingang malalim, sabay buga.
Sa wakas nailabas din ang buntong-hininga.
Pag-iisip ay nabuksan,
paninikip at sakit ay sadyang naibsan.
Habang Milky Way ay nasa aking alaala.
Walang katulad, walang kasing iba.
Narito’t hingal-habol, pawis at pagod
sa pagdakip sa talang naihulog.
Ngunit di na hahayaan pa na ako ay malungkot.
Gagawin ang lahat, kahit muling sisirin ang dagat.
Pagka’t ngayon ay aking hawak
ang kinabukasan at hinaharap.
No comments:
Post a Comment